Pahingi nang PISO?!
Kanina, habang ako ay nakasakay sa pampasaherong dyip at binabaybay ko ang aking byaheng pauwi, may isang musmos na batang sumakay sa dyip at nagpunas ng mga maduduming sapatos (o tsinelas) ng mga pasaherong nananahimik (o natutulog) at nakatingin sa kawalan. Bigla na lamang nagugulat ang mga pasaherong dinadaplisan ng kamay niyang hawak ang isang madumi at maliit na basahan. Ngunit, isang bagay na nakapagpapukaw sa aking atensyon ay ang pamilyar na mukha niyang taglay. Siya rin pala ang batang madalas na umaangkas sa bawat dyip na aking nasasakyan sa araw-araw na aking pagpasok at pag-uwi sa eskwela.
Laking pasasalamat ko at hindi niya inaabot ang aking puting sapatos (bagkus ito lamang ay kanyang marurumihan dahil sa ilang sapatos na ang nadaanan ng kanyang nag-iisang basahan) ngunit kanina ay sinawimpalad ang aking sapatos (pasalamat na lamang ako at hindi ako nakaputing uniporme). Hindi lamang niya naistorbo ang aking katahimikan at pagmumuni-muni sa byahe kundi nagdulot pa siya ng isang malaking pagkainis.
Mula 5th avenue (Caloocan City) hanggang Monumento ay kinakalabit niya ang aking binti dahil siya ay nanghihingi ng isang pisong limos. Tinitiis ko ang kanyang paulit-ulit na pangangalabit at pag ako’y napapalingon ay tinuturo niya ang kanyang marungis na bibig. Siya daw ay nagugutom na. Sa kadahilanang hindi ko siya binigyan ng limos ay may naawang isang ale at binigyan siya ng barya. Ngunit, hindi pa nagpaawat ang pobreng bata dahil tila gusto niya yata na manggaling sa akin ang piso na kanyang hinihingi. Naisip ko, aanhin niya ang piso ko para sa nasayang na oras sa kanyang pangungulit sa akin na sana’y naipalimos na niya sa iba? Marahil ay mayroon lamang siyang pinagdidiskitahan na tao sa tuwing mamimili siya ng dyip na masasakyan (malas ko lamang o siya, na ako iyon). Hindi ako nagpadala sa pagmamakaawa ng batang iyon dahil kilala ko na ang batang iyon. Alam na alam ko na ang kanyang istilo sa pamamalimos. Ang una’t huli kong binitiwang salita sa kanya ay “Doon ka manghingi sa nanay mo….”. Patuloy parin siyang nangangalabit at pansin ko na lumalakas ito. Hindi na ako kumibo at tumingin na lamang sa bintana ng dyip at nagtiis hanggang siya ay bumaba.
Kahit kailan ay hindi ako nagbigay ng limos sa mga pulubi (sa aking pagkakaalala). Sila man ay bata o matanda, may kapansanan o wala. Maaari sigurong makapagbigay ako sa may mga kapansanan ngunit kahit kailan ay hindi ako magbibigay sa mga batang musmos dahil naniniwala ako na hindi dapat nila ito ginagawa. Mayroon silang mga magulang na dapat ay nagbibigay ng kanilang mga pangangailangan. Naniniwala din ako na patuloy lamang silang mamamalimos at malamang ay uutusang mamalimos hanggat may mga taong nagbibigay ng limos. Hindi tayo nakakatulong sapagkat hindi sila magigising sa katotohanan na dapat ay maghanap sila ng mas marangal at katanggap-tanggap na gawain o trabaho (para sa mga magulang o matatanda) upang makaraos sa pangaraw-araw na buhay.
Akin ding naiisip na isa lamang akong estudyante at umaasa sa aking mga magulang upang magkaroon ng pera panggastos araw-araw para sa eskwela. Hindi dapat ako ang nagbibigay ng pangkain nila sa pangaraw-araw. Hindi dapat ako ang pumupuno sa kanilang mga pangangailangan. Ang bawat piso na aking hinahawakan ay katumbas ng balde-baldeng dugo’t pawis ng aking ina. Sa panahon ngayon, ni hindi ka nga makakakita manlang piso sa daan. Ang masasabi ko lamang ay mahirap kumita ng pera. Kung tutuusin, tinuturuan lamang natin silang umasa sa madaling paraan ng paghahanapbuhay. Kaunting kalabit at arte lamang ay bibigay na agad ang mga malalambot na puso ng mga Pilipino at dudukot ng kaunting barya sa kanila ring mga butas na bulsa. Nasasanay sila na sa ganoong paraan lamang ay magkakaroon na sila ng pera ng walang kahirap-hirap (instant kumbaga). Maaari naman sigurong magbigay kung minsan subalit tila ay umaabuso na ang mga namamalimos na iyan. Kung minsan ay magagalit sila na barya lamang ang iyong ibinibigay. Hindi sila nakukuntento na ganoon lamang ang iyong inabot. Mayroon pang iba na hihingiin na ang pagkaing kinakain mo at pipilitin ka pang magbigay ng kaunting barya. Mayroon pa na susundan ka kung saan man at hindi ka titigilan hanggang hindi sila makapalimos sa iyo. Madudumihan ka na, maaabala ka pa (Jahe diba? lalo na kapag nagmamadali ka sa iyong pupuntahan).
Hindi rason ang pagiging mangmang sa pamamalimos. Pare-parehas tayong binigyan ng kanya-kanyang lakas upang makaraos sa pangaraw-araw. Mautak lamang sila at doon nila naisip na gamitin ang kanilang lakas. Na ang kanilang puhunan ay ang sarili nilang kaawa-awang sitwasyon. Maraming mga namamalimos na iba-iba ang kanilang mga istilo may iba na ginagamit ang kinalang mga anak, ginagamit ang kanilang kapansanan, kung minsan ay nanghihingi ng pera dahil kulang ang kanilang pamasahe para makauwi at kung ano-ano pa. Kung tutuusin, pwede tayong mamamalimos pero bakit tayo magpapakaburo sa ganoong klase ng buhay hindi ba?
Naaawa ako sa mga batang kailangang gawin ang mga ganoong bagay. Ngunit hindi ito sapat upang bigyan ko sila ng limos. Gusto ko silang pagsabihan, gusto ko silang tulungan sa ibang paraan ngunit pakiwari ko’y wala pa ako sa tamang lugar para gawin iyon. Kinamumuhian ko ang mga magulang nila. Nasaan ang kanilang responsibilidad? Nasaan ang kanilang mga gampanin? Ang matinong magulang ay hindi hinahayaan na maglaboy ang kanilang mga anak sa mga delikadong daan. Ang matinong magulang ay pinupunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga anak.
Matatawag bang swapang o madamot ang isang taong pinaninindigan lamang ang kanyang mga prinsipyo sa buhay?
Matatawag ba akong matapobre kung sa aking pananaw ay hindi ganoon ang tamang pagtulong sa kapwa?
Nagkakasala ba ako sa Diyos sa ginawa kong iyon?
Hindi ko alam kung ano ang iniisip sa akin ng mga ibang nakasakay sa dyip na iyon, ngunit wala akong pakialam dahil gusto kong pangatawanan ang aking prinsipyo. Sa uuliting makita ko ang batang iyon, kung kakayanin ng aking lakas ng loob ay pagsasabihan ko siya. Sana maintindihan niya ako.
Aking hiling na sana may gawin ang mga may kinauukulan hinggil sa usaping ito. Hindi dapat ganito ang buhay na kinakaharap nila. Matagal ko ng ninanais na magsulat tungkol dito. Paumanhin dahil hindi ko na kinaya ang aking pagtitimpi. Ayaw ko na manahimik na lamang at kunsintihin ang mga ganoong klasing tao. Hindi ito para matahin ang mga nakakababa, hindi ito para laitin o kutyain ang mga mahihirap. Wala ako sa posisyon upang gawin iyon dahil wala naman akong sinabi sa mundong ito. Ang nais ko lamang ay pantay na pamumuhay dito sa mundong ibinigay sa atin ng Diyos.
Ngayon, Ibibigay ko na sa inyo ang kapangyarihang manghusga.




September 5th, 2008 at 2:29 pm
[...] Read more [...]